Nanawagan si Senate President Juan Miguel Zubiri sa mga miyembro ng Inter-Parliamentary Union (IPU) na makiisa sa Pilipinas sa pagtaguyod ng international rules-based order sa West Philippine Sea.
Kasama ni Zubiri sina Senators Nancy Binay, Pia Cayetano, Lito Lapid at Senate Minority Leader Koko Pimentel sa pagtungo sa Geneva, Switzerland bilang kinatawan ng delegasyon sa Senado para sa ika-148 IPU Assembly.
Sa mensahe ni Zubiri, umaapela siya sa international community na suportahan at manindigan kasama ang Pilipinas sa pagsusulong ng freedom of navigation at pagtalima sa international law sa West Philippine Sea.
Naniniwala si Zubiri na ang pagkakaroon ng dayalogo at pag-uunawaan sa pagitan ng mga magkakaibang politikal at ideolohika ay posibleng mangyari.
Kaugnay nito, hinihikayat ng Senate President ang mga IPU members na gamitin ang magandang ugnayan na nagbubuklod para mapalakas ang adhikain at pangarap na lahat ng mga tao ay mamumuhay ng mapayapa sa mundo.
Iginiit pa ni Zubiri na sa kabila ng mga tensyon sa West Philippine Sea ay nananatili ang Pilipinas sa pagsunod sa international rules-based order, pagtiyak ng freedom of navigation, at pagtitimpi sa mga ginagawang pangha-harass ng China sa bansa.