13 hanggang 16 na bagyo ang inaasahang tatama sa bansa sa nakikitang pag-iral ng La Niña sa gitna o huling bahagi ng taon.
Sa press briefing sa Malacañang, inihayag ni Department of Science and Technology Sec. Renato Solidum Jr. na tumaas sa 62% ang tsansa na tatama ang La Niña sa Hunyo hanggang Agosto ngayong 2024.
Ang inaasahang bilang ng inaasang bagyo ay mas mababa sa kalimitang dalawampung bagyo bunga na rin ng kasalukuyang pag-iral ng El Niño o matinding tagtuyot.
Ipinaliwanag naman ni PAGASA Assistant Weather Service Chief Ana Liza Solis na mas iikli ang preparasyon sa bawat bagyong darating, dahil sa panahon ng La Niña ay mamumuo ang mga bagyo sa malapit na bahagi ng karagatan, at mas mabilis itong tatama sa lupa.
Sinabi rin ni Solis na batay sa kasaysayan, ang mga nasa silangang bahagi ng bansa ang kalimitang pinaka-tinatamaan ng La Niña.