Labis na ikinadismaya ni Sen. Win Gatchalian ang kabiguan ng Senior High School Voucher Program (SHS-VP) ng Department of Education na malunasan ang pagsisiksikan sa mga pampublikong paaralan.
Sinabi ni Gatchalian na hindi naging epektibo ang sistema ng pagpili ng mga benepisyaryo ng programa kaya hanggang ngayon ay congested pa rin ang public senior high schools.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na target ng programa na mabigyang pagkakataon ang mahihirap na mag-aaral na makapasok sa pribadong paaralan sa pamamagitan ng voucher system.
Sinabi ni Gatchalian na sayang lamang ang pondong inilalaan sa programa kung di naman natutugunan ang problema ng pagsisiksikan sa mga public senior high schools.
Mahalaga anya na mayroong paraang matukoy kung nasaan ang mga paaralang maraming nagsisiksikang mag-aaral at ilaan ang mga voucher sa mga lugar na ito.
Batay sa datos ng SHS-VP at sa pagsusuri ng tanggapan ng senador, 20% o mahigit limang daang libo ng 2.7 million na mga mag-aaral sa senior high school ang itinuturing na aisle learners o mga mag-aaral na nakikipagsisikan sa pampublikong paaralan.
Habang para sa School Year (SY) 2023-2024, may 1. 27 million grantees ang voucher program.
Pinuna pa ni Gatchalian na hindi tugma ang mga rehiyon na may pinakamaraming pribadong paaralang kalahok ng programa sa mga rehiyong may pinakamaraming nagsisiksikang paaralan.