“Trabaho lang, walang personalan.”
Ito ang mensahe ni House Speaker Martin Romualdez, kasunod ng approval sa 3rd and final reading ng HB 9710 o pagbawi sa prangkisa ng Swara Sug Media Corp. na siyang nagpapatakbo sa SMNI.
Sa adjournment address ni Romualdez, sinabi nito na ilang beses nagdaos ng pagdinig ang Committee on Legislative Franchises ukol sa mga paglabag ng SMNI.
Sa kabila ng paanyaya, subpoena, pakiusap ng abogado hangang sa patawan ng comtempt, hindi sinipot ng honorary owner ng SMNI sa katauhan ni Pastor Apollo Quiboloy ang hearing.
Giit ng House leader, ang hatol ng Kamara sa SMNI ay pagtupad sa “commitment ng Kapulungan” sa pagpapanatili ng integridad sa broadcasting standard at tiwala ng taumbayan.
Pagpapaalala rin aniya ito na ang pagkakaroon ng prangkisa gaya ng sa SMNI ay “special privilege” lamang at may kaakibat itong responsabilidad.