dzme1530.ph

Kumpanyang nakakuha ng kontrata para sa Automated Election System sa 2025 Elections, sinuri ng mga senador

Binusisi ng mga senador ang track record ng Miru Systems, ang kumpanyang nakakontrata ng Automated Election System para sa 2025 National and Local Elections.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reform, partikular na kinalkal ni Senador Imee Marcos ang kaso ng kumpanya sa Congo kung saan 45.1% ng polling stations ang nakaranas ng problema sa teknolohiya habang 75% ng voting machines ang nag-malfunctioned sa Iraq.

Sinabi ni Miru Systems CEO Chun Jin Bok sa pamamagitan ng translator na si Jason Lee, exaggerated ang report sa Congo at iginiit na ang tunay na naging problema ay ang delay sa logistics na pinamahalaan mismo ng election commission ng naturang bansa.

Sa insidente naman anya sa Iraq, hindi ang mga makina ang naging problema at sa halip ay ang transmission.

Iprinisinta pa ng Miru ang sulat mula sa Chairman ng Elections Commission ng Democratic Republic of Congo at ng Prime Minister ng Iraq na nagdedeklara na matagumpay ang naging halalan sa kanila sa paggamit ng kanilang teknolohiya.

Sa kabilang dako, hiniling ni Marcos sa COMELEC na makipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs upang maberipika ang kredibiliad ng halalan sa Iraq at Congo upang matiyak na reliable ang Miru para sa 2025 elections.

About The Author