Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang malaking ibinaba ng krimen at Human Rights Violations sa bansa.
Sa kanyang talumpati sa Oath Taking ng bagong star rank officers ng PNP, inihayag ng Pangulo na nangalahati ang mga insidente ng paglabag sa karapatang pantao noong 2023 kung ikukumpara ito sa naitala noong 2022.
Bukod dito, ipinagmalaki rin ni Marcos na mula sa 295,382 crimes noong 2017 at 207,143 noong 2022, naibaba pa ito sa 198,617 sa unang buong taon ng kanyang administrasyon.
Triple rin umano ang ibinaba ng index crimes, mula sa 107,899 noong 2017 pababa sa 38,436 noong 2023.
Nakamit din ang 98% crime clearance efficiency noong nakaraang taon at naipagpatuloy pa sa unang dalawang buwan ng 2024, habang mas kakaunti na rin ang mga naitatalang kaso ng theft, robbery, carnapping, rape, at physical injury.
Sinabi ng Pangulo na ito ang patunay ng pamamayagpag ng rule of law sa demokrasya at pagsisilbi ng hustisya, at nagawa ang lahat ng ito nang hindi gumagamit ng “legal shortcuts” o pagmamadali sa proseso.