Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Philippine National Police na paigtingin ang paggamit ng teknolohiya sa pag-protekta sa mamamayan, sa harap ng banta ng Cybercrime.
Sa Oath Taking sa Malacañang ng 55 bagong star rank officers ng PNP, inihayag ng Pangulo na ang lahat ng uri ng pag-breach sa digital transactions ay makasasama sa kapakanan ng publiko at national interest.
Bukod dito, nagiging biktima rin umano ng Cybercriminals ang mga inosenteng kabataan sa pamamagitan ng pagnanakaw sa kanilang dignidad, at pagsasamantala sa kahinaan ng senior citizens upang manakaw ang kanilang ipong pera.
Kasama na rin umano dito ang pagnanakaw sa mga negosyo.
Kaugnay dito, iginiit ni Marcos na hindi dapat hayaang mamayagpag ang “electronic pickpocketing” na maituturing na “digital equivalent” ng bag snatching.
Tiniyak ng Pangulo ang patuloy na pagpapalakas sa Anti-Cybercrime Campaign at Cybersecurity, kaakibat ng pagsasanay sa pwersa ng gobyerno sa paglaban sa Cybercrime.