Naging prangka si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagpuna sa pangit na estado at reputasyon ng Ninoy Aquino International Airport.
Sa kanyang talumpati sa signing ceremony ng concession agreement para sa NAIA Public-Private Partnership Project, inihayag ng Pangulo na sa halip na magsilbing red carpet ng bansa, ang NAIA ay nagmistulang maruming basahan na nagbigay ng hindi patas na first impression sa mga bisita at turista.
Iginiit pa ni Marcos na ang buong bansa ang nagdusa sa pagkaka-delay sa improvement at rehabilitasyon ng NAIA, na idinulot ng mga problema sa burukrasya, pulitika, at ligal na aspeto.
Ito umano ang nagdala ng pang-araw araw na aberya sa mga pasahero kabilang ang delays at pagbaba ng bilang ng flights, na nagbunga ng bilyong-bilyong pisong halaga ng nawalang kita sa turismo at sa ekonomiya.
Kaugnay dito, pinuri ng Pangulo ang sisimulang komprehensibong modernisasyon ng NAIA sa pamamagitan ng nilagdaang P170.6 Billion concession agreement para sa PPP project.