Sa gitna ng isyu sa Bohol, umaasa si Senate Committee on Tourism Chairperson Nancy Binay na hindi maaalis sa listahan ang Chocolate Hills Natural Monument bilang UNESCO Global Geopark.
Sinabi ni Binay na noong 2023 lamang kinilala ng UNESCO ang iconic na Chocolate Hills ng Bohol na unang global geopark ng bansa.
Subalit dahil sa natuklasang mga istruktura sa Chocolate Hills, pinangangambangang matangga ito sa listahan ng UNESCO.
Pero umaasa si Binay na hindi ito mangyayari at kailangan lamang maipakita na kumikilos naman ang pamahalaan para pigilan ang pagtatayo pa ng mga imprastraktura at magawan ng solusyon ang isyu.
Inihalimbawa ni Binay ang minsa’y naging problema sa San Agustin Church na idineklarang UNESCO World Heritage Site dahil sa pagtatayo ng Binondo-Intramuros Bridge.
Nabigyan anya ng pagkakataon ang simbahan na magpaliwanag kaya’t hiindi na ito inalis sa listahan.
Mahaba rin anya ang proseso ng pagtatanggal sa listahan kaya’t umaasa siyang hindi aabot sa ganun ang kapalaran ng Chocolate Hills.