Pormal na sisimulan ng Department of Migrant Workers sa Hunyo ang paghawak sa Assistance to Nationals Program na pinapatakbo ng Department of Foreign Affairs.
Ayon kay DMW secretary Susan Ople, ngayong buwan sana nila hahawakan ang programa ngunit ito ay ipinagpaliban dahil kailangan pa ng ahensya ng panahon upang magsanay ng kanilang mga tauhan para sa trabaho nito.
Aniya, dapat din nilang pag-aralan ang mga sensitibong kaso na hawak ng DFA kung saan bubuo sila ng technical working group para talakayin ang problemang kinahaharap ng Overseas Filipino Workers.
Una nang sinabi ng DFA na mayroong 83 Pilipino ang kasalukuyang nasa death row sa iba’t ibang bansa dahil sa magkakaibang paglabag sa batas.