dzme1530.ph

17 Pinoy seafarers na bihag ng Houthi rebels, hindi pa pakakawalan

Hindi pa rin palalayain ng Houthi rebels ang bihag na labimpitong Filipino seafarers, hangga’t hindi nagwawakas ang digmaan sa Gaza.

Sa press briefing sa Malakanyang, inihayag ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na bihag pa rin sa Hodeidah City sa Yemen ang mga Pinoy, halos apat na buwan mula nang sila ay dukutin habang sakay ng Galaxy Leader Vessel sa Red Sea noong Nobyembre.

Bagamat nakikipag-ugnayan ang Pilipinas sa mga kaibigang gobyerno, naninindigan umano ang Houthi rebels na hindi nila pakakawalan ang mga hostage na Pinoy hangga’t hindi nare-resolba ang isyu sa Gaza.

Tiniyak naman ng DFA na hindi nila kinakalimutan ang Pinoy seafarers, at nasa maayos din silang kalagayan at nakakausap sila ng kanilang mga pamilya.

About The Author