Muling ipinaalala ng Department of Education (DEPED) na maaring suspindehin ang face-to-face classes sa mga lokalidad na apektado ng matinding init ng panahon bunsod ng dry season at El Niño phenomenon.
Ito ay makaraang kanselahin ni Bacolod Mayor Albee Benitez ang in-person learning sa pampubliko at pribadong mga paaralan at unibersidad sa elementarya at sekondarya sa Bacolod City, matapos ianunsyo ng PAGASA ang mataas na heat index kahapon at ngayong araw, March 12.
Ayon kay DEPED Deputy Spokesperson, Asec. Francis Bringas, mayroon nang katulad na sitwasyon noong nakaraang taon, kaya naglabas ng direktiba ang kagawaran para sa lahat ng field offices na pwedeng mag-suspend ng face-to-face classes kung sobrang init ng panahon.
Aniya, kahit ang mga local government officials at school heads ay pwedeng mag-anunsyo ng suspensyon, base sa forecast ng state weather bureau.
Samantala, magpapatuloy ang in-person classes sa Western Visayas bukas, March 13.