Isinusulong ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang panukala na maglalatag ng detalyadong sistema ng People’s Initiative at referendum sa pag-amyenda sa Saligang Batas, national laws at mga ordinansa.
Sa kanyang Senate Bill 2595, magsisimula ang proseso sa People’s Initiative sa paghahain ng verified petition sa Commission on Elections.
Nakasaad sa panukala na ang People’s Initiative ay dapat na magtaglay ng lagda na hindi bababa sa 12 percent ng kabuuang registered voters na kailangang magmula sa hindi bababa sa 3% ng mga botante ng lahat ng legislative district.
Kung national law o ordinansa ang pa-aamyendahan, kailangan ng 10 percent na lagda ng mga registered voters.
Kailangang kumpleto ang pangalan, address at personal circumstances ng petitioners’ o mga lalagda at dapat kumpleto ang detalye ng gustong baguhin at dapat mayroong paliwanag.
Ang mga taong magbibigay o mangangako ng pera, trabaho, prangkisa o anumang bagay na may halaga kapalit ng bawat lagda na pabor o kontra sa pakay ng People’s Initiative ay papatawan ng aninm na taon hanggang siyam na taong pagkakakulong.
Kahalintulad na parusa rin ang ipapataw sa mga gagamit ng pera, sasakyan, broadcast station, printing press at mga pasilidad ng gobyerno.
Mas mabigat na parusa ang ipapataw kung taga-gobyerno ang nag-alok na papatawan ng siyam hanggang 12 taong pagkabillanggo, tatanggalan ng benepisyo at habambuhay na pagbabawal sa anumang pwesto sa gobyerno.