Para kay Surigao del Norte Cong. Robert Ace Barbers, ipinakita sa survey ng OCTA Research na sawa at pagod na ang mayorya ng Pilipino sa pambu-bully ng China sa West Philippine Sea.
Ayon kay Barbers, ang resulta ng AFP commissioned survey ng OCTA Research na 77% ng adult Pinoy ay handang lumaban para ipagtanggol ang Pilipinas kontra sa dayuhang pwersa ay indikasyon na galit na ang taumbayan sa Chinese aggression.
Bagaman at hindi nabanggit sa survey ang isyu sa WPS, malinaw na mataas ang kamalayan ng mga Pilipino sa mga hakbang na ginagawa ng China sa sarili nating teritoryo.
Sa ngayon wala naman aniyang ibang kaalitan ang Pilipinas na dayuhang pwersa maliban sa territorial dispute nito sa China.
Sa December 10 to 14 OCTA Tugon ng Masa survey, lumitaw na pito sa bawat sampung Pinoy ang handang makipagbabag maipagtanggol lang ang bansa sakaling sumiklab ang gulo laban sa dayuhang pwersa o kaaway.