Nahuli na ng Pest Control Services ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang daga na pagala-gala sa Terminal 3 ng paliparan.
Agad nagpakalat ng mga sticky traps sa lahat ng posibleng dinadaanan ng peste ang mga tauhan ng Pest Control upang mahuli ito.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) Spokesman Atty. Chris Bendijo, patuloy ang kanilang pakikipag-unayan sa lahat ng mga Pest Control Provider sa mga terminal para mabilis na mapuksa ang mga daga.
Aminado naman si Atty. Bendijo na nahihirapan silang maglagay ng mga bitag dahil maaari itong matapakan ng mga pasahero.
Malaki din aniya ang kanilang hinala na itong nahuling daga ang nag-viral sa social media matapos makunan ng video ng isang pasahero sa NAIA Terminal 3.
Nanawagan din ang MIAA sa mga pasahero na ugaliing itapon ang basura sa tamang basurahan dahil ito maaari itong makahikayat sa mga peste.