Hinimok ni Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe ang Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board na gamitin ang panahon ng pinalawig na implementasyon ng PUV modernization na isaayos ang programa ngayong handa na ang mga transport groups na makilahok sa mga talakayan.
Nangako naman ang senadora na titiyaking patas at makatao ang transisyon ng PUV modernization.
Umaasa rin si Poe na maisasaayos na ang mga problemang nakapaloob sa programa matapos na ianunsyo ng mga transport groups ang kanilang pagbabalik-pasada kasunod ng dalawang araw na transport strike.
Ito ay makaraang pakinggan na ng Malakanyang ang mga hinaing ng mga transport groups sa balak na phaseout sa mga traditional jeepneys bunsod ng PUV Modernization program.
Ikinalugod ni Poe ang aniya’y maagap na pagtugon ng Ehekutibo sa mga hinaing ng transport sector na nagpapakita na kaya at handa ang pamahalaan na makipag-usap at magpaabot ng tulong sa mga drivers at operators tungo sa transition sa pagbabagong ito.
Umaasa si Poe na ang konsultasyon na ito ay magreresulta ng produktibong dayalogo sa pagitan ng gobyerno, mga drivers at mga commuters.