Isinusulong ni Sen. Jinggoy Estrada ang panukalang naglalayong maglagay ng mga dialysis centers sa lahat ng pampublikong ospital bilang tugon sa tumataas na bilang ng mga nagkakasakit ng kidney diseases.
Inihain ni Estrada ang Senate Bill 800 o ang “Dialysis Center Act” na nagmamandato ng paglalagay ng dialysis center sa lahat ng national, regional at provincial government hospitals.
Dapat din anyang kumpleto ang mga kagamitan at dialysis machine at supplies sa center.
Gagawin ding libre ang serbisyo nito para sa mahihirap.
Naniniwala si Estrada na malaking tulong ang pagkakaroon ng dialysis center sa mga lalawigan dahil karaniwang ang mga modernong medical equipment at facilities ay nakatuon lamang sa mga highly urbanized na lungsod at kinakailangan pang bumyahe ng mga nasa malalayong lugar na dagdag gastos at oras para sa kanila.