Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagwawakas ng gender-based violence, diskriminasyon, at biases sa kababaihan ngayong National Women’s Month.
Sa kanyang mensahe, inihayag ng Pangulo na nananatili pa rin ang problema sa hindi pantay o hindi patas na pagtrato o inequality at disparity.
Kaugnay dito, hinikayat ang mga Pilipino na makipagtulungan sa pagtataguyod ng inklusibong lipunan.
Kinilala rin ng Pangulo ang hindi matutumbasang kontribusyon ng kababaihan sa lipunan, sa gitna ng kanilang pagharap sa mga balakid at sakripisyo.
Sinabi ni Marcos na sa pamamagitan ng pagpapalakas ng boses ng kababaihan, pagtatanggol sa kanilang karapatan, at pagsusulong sa kanilang kalayaan, maia-angat ang buong komunidad at buong bansa tungo sa isang mas matatag at mas-progresibong mundo.