dzme1530.ph

Senator JV Ejercito, binawi ang lagda kaugnay sa warrant of arrest ni Pastor Quiboloy

Binawi ni Senador JV Ejercito ang kanyang lagda sa mosyon ni Senador Robin Padilla laban sa contempt ruling ni Senate Committee on Women, Children, Family Relations Chairperson Risa Hontiveros laban kay Pastor Apollo Quiboloy.

Ipinaliwanag ni Ejercito na ang kanyang unang desisyon na lumagda sa objection letter ay batay sa pahayag ng Department of Justice na maghahain na sila ng kasong sexual abuse at qualified trafficking laban kay Quiboloy.

Subalit matapos ang pagrebisa ng mga datos, kasama ang testimonya ng mga testigo at iba pang impormasyon kabilang na ang mga alegasyon ng panggagahasa ay nagdesisyon siyang bawiin ang kanyang lagda.

Lumitaw din anya sa kanyang mga konsultasyon na may mga preecedents na kahit may ongoing cases sa korte ay maaari pa ring mag-imbestiga ang Senado.

Nangangahulugan anya ito na may oportunidad pa rin si Quiboloy na iprisinta ang kanyang panig.

Tiniyak naman ng senador na pagkakalooban ng patas na oportunidad si Quiboloy.

About The Author