Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na dapat magkaroon ng makabuluhang dayalogo ang magkaribal na America at China, upang maiwasan ang Nuclear Arms Build-Up.
Sa kanyang keynote speech sa Lowy Institute Think Tank sa Australia, iginiit ng Pangulo na dapat alalahanin ang matinding trahedyang idinulot sa sangkatauhan ng nuclear weapons, kabilang ang nuclear bombings sa Hiroshima at Nagasaki, at ang mga biktima ng nuclear tests sa Pacific.
Sinabi pa ni Marcos na ang kasalukuyang nuclear risk ang nagpapakita na kina-kailangan ang mas malakas na kapangyarihan upang matugunan ang “strategic competition” sa responsableng paraan.
Kaugnay dito, kinalampag ng Pangulo ang buong Indo-Pacific Region at sinabing hindi nito dapat balewalain ang epekto ng tunggalian ng mga makapangyarihang bansa, at hindi rin dapat hayaan na lamang ang mundo na maging entablado ng kompetisyon.
Sinabi ni Marcos na napapanahon nang dalhin ang Indo-Pacific issues sa pandaigdigang usapin sa pagsasantabi sa nuclear weapons.