Malalaman sa Marso 23 ang mga kasong isasampa laban sa dalawang Pilipino na ini-imbestigahan kaugnay ng pagkamatay sa mag-asawang hapones, sa Tokyo, ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega.
Sinabi ni de Vega na maximum na 23 days ang basehan sa Japan bago magsampa ng final charges ang piskalya sa Korte.
Aniya, malalaman kung talagang Murder ang kakaharapin ng dalawang Pinoy, dahil may mga bagong ebidensya umano na lumitaw.
Nabatid na muling inaresto noong March 1 ang mga Pinoy na kinilala ng media outlet na Japan Times, na sina Bryan Jefferson Lising Dela Cruz, 34 anyos, at Hazel Ann Baguisa Morales, 30 anyos.
Unang dinakip ang dalawa matapos abandonahin ang bangkay ng mag-asawang hapones na natagpuang may mga tama ng saksak sa katawan sa banyo ng kanilang bahay.