dzme1530.ph

Implementasyon ng mga proyektong pabahay, pinamamadali

Pinamamadali ni Sen. Win Gatchalian sa gobyerno ang pagpapatupad ng mga proyektong pabahay sa gitna ng pagsisiksikan sa residential area na karaniwang dahilan ng sunog.

Ginawa ng senador ang panawagan sa gitna ng pamamahagi nito ng mahigit kalahating milyong pisong halaga ng mga bigas sa mga pamilyang nasunugan sa Maynila at Parañaque City.

Sinabi ng senador na marami sa ating mga kababayan ang nakikipagsiksikan sa mga siyudad dahil sa paghahanap ng trabaho lalo na sa mahihirap na komunidad.

Idinagdag ng mambabatas ni Gatchalian na madalas nangyayari ang sunog sa mga lugar kung saan maraming nakatira at dikit-dikit ang mga bahay.

Nauna nang nangako si Pangulong Marcos na magbibigay ng ligtas, de-kalidad at komportable na pabahay.

Ayon kay Gatchalian, ang hindi angkop na structural design gayundin ang mga tinaguriang unsafe practices pagdating sa paggamit ng kuryente ang nagiging dahilan ng mataas na posibilidad ng sunog sa mga lugar na masisikip na may dikit dikit na mga bahay.

Ang masikip na daan din ang nagpapahirap sa mga bumbero na pasukin ang mga lugar upang apulahin ang apoy.

About The Author