Naniniwala ang Department of Transportation (DOTr) na patuloy na popondohan ng Department of Finance (DoF) ang Metro Manila Subway Project (MMSP) hanggang sa matapos ang proyekto.
Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista ang kauna-unahang underground railway ng bansa ay kasalukuyang pinondohan ng dalawang active loan agreements kung saan inaasahang papasok ito sa ikatlong tranche loan na nagkakahalaga ng 150 bilyon JPY sa Marso 2024.
Sinabi ni Bautista na tinatalakay ng DOTr sa National Economic and Development Authority (NEDA) at DoF ang pagrepaso sa mga draft na dokumento na nauukol sa loan deal na ibinigay ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at ng gobyerno ng Japan.
Ang DoF anya ang nakikipag negosasyon sa JICA, para sa nasabing proyekto na inaasahang matatapos sa taon 2029.
Sinabi ni Bautista na kasama si Finance Secretary Ralph Recto sa pag-inspeksyon sa pag-drill ng tunnel ng subway simula sa Valenzuela depot.
Kasama sa MMSP ang pagtatayo ng depot na may 33-kilometrong railway line na binubuo ng 17 istasyon na mag-uugnay sa Valenzuela City sa Pasay City at inaasahan ang 519,000 pasahero ang maserbisyuhan nito kada araw-araw.