Pinaiimbestigahan ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Senado ang kakulangan ng mga medical facilities at mga health professionals sa mga top tourist destinations sa bansa.
Ito ay alinsunod sa Senate Resolution 937 na inihain ni Zubiri.
Sinabi ng senate leader na sa kabila ng mga sikat na pasyalan sa bansa tulad ng Boracay, Palawan at Siargao, kapansin—pansin ang kakulangan ng mga medical facilities at health professionals.
Iginiit ni Zubiri na ang mga health professionals at mga pasilidad na ito ang magbabantay sana sa kalusugan at kaligtasan hindi lamang ng mga domestic at foreign tourists kundi pati na rin sa mga nagtatrabaho at naninirahan doon.
Binanggit sa resolusyon ang insidente noong 2015 kung saan nasawi ang isang 25 anyos na turista sa Palawan matapos makatapak ng sea urchin at hindi agad nabigyang lunas dahil walang nagsagawa ng first aid at wala ring ambulansya para maisugod ito sa pagamutan.
Ang ganitong pangyayari anya ang nagbibigay ng alinlangan lalo sa mga dayuhang turista na mamasyal sa bansa.
Iginiit sa resolusyon na kasabay ng pagsusulong ng tourism industry ay matiyak ang access sa lahat ng health at medical services sa mga tourist spots.