dzme1530.ph

Pagtatatag ng Bulacan Airport City Special Economic Zone, tatalakayin na sa plenaryo ng Senado

Inilatag na sa plenaryo ng Senado ang panukalang pagtatatag ng Bulacan Airport City Special Economic Zone o ang Senate Bill 2572.

Una nang na-veto na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang parehong panukala na ipinasa noong 18th Congress dahil sa conflict sa mandato ng ibang ahensya ng gobyerno at fiscal risks.

Binigyang-diin din ng Pangulo sa kanyang veto message ang pagbibigay ng blanket authority sa ecozone sa technical airport operations at ang kawalan ng probisyon para dumaan ito sa Commission on Audit.

Ayon kay Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe, tinugunan na ng bersyon nila ngayon ang mga pinunto ng punong ehekutibo sa nauna nilang bersyon.

Nakasaad na aniya rito na dadaan na sa COA ang lahat ng transaksyon ng ecozone authority at tinitiyak na ang lahat ng ibibigay na insentibo ay alinsunod sa CREATE law.

Isa ring mahalagang probisyon nito ang pagtitiyak na maproprotektahan ang kalikasan sa itatayong ecozone.

Tinatayang P130.9 billion ang economic potential ng Bulacan Airport Ecozone na makapagbibigay ito ng 800,000 hanggang 1.2 million na trabaho para sa mga Pilipino.

About The Author