Ibinunyag ni Senador JV Ejercito ang tinawag nitong “Ayuda Scam” sa pamamahagi ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program at iba pang social assistance initiatives.
Sa kanyang privilege speech, inilantad ni Ejercito ang pagkakaltas sa dapat sanang P7,500 na benepisyo mula sa TUPAD na layung tulungan ang mahihirap.
Iprinisinta pa ng Senador ang video footage ng isang biktima mula sa Brgy. Balongbato sa San Juan City na nagsabing inatasan siya ng isang staff ng konsehal na kunin sa Palawan Express ang kanyang benepisyo.
Subalit sa P7,500 na ayuda, P1,000 lamang ang para sa benepisyaryo habang ang P6,500 ay isasantabi umano para sa Mayor.
Sinabi ni Ejercito na nakakapang-hinayang at nakaka-suka ang scam na ito dahil ang pera na dapat para sa mga kapus-palad, nagiging puhunan ng mga makapangyarihan.
Iginiit ng senador na dapat higpitan ang safeguards sa pagpapatupad ng programa upang makuha ng mga benepisyaryo ang tamang ayuda para sa kanila.
Kaugnay nito, nanawagan si Ejercito sa gobyerno na magpokus sa long term sa halip na emergency employment programs.
Dapat din anyang mabawasan na ang political involvement sa pamamahagi ng social aid.