Ipinagmalaki ng Senado na kalahati ng mga miyembro nito sa pangunguna ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang nakapagtala ng perfect attendance ngayong second regular session ng 19th Congress.
Base sa datos ng Senate Secretariat, mula ng pagbubukas ng second regular session noong July 24, 2023 ay walang naitalang absences sina Zubiri, Senate President Pro Tempore Loren Legrada, at Majority Leader Joel Villanueva.
Nakapasok din sa kabuuang 54 sessions days hanggang February 26 sina Senators Ronald ‘Bato’ dela Rosa, Jinggoy Estrada, Sherwin Gatchalian, Christopher ‘Bong’ Go, Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., Robin Padilla, Raffy Tulfo, Cynthia Villar, at Risa Hontiveros.
Pinakamarami namang naitalang absent si Senator Alan Peter Cayetano na umabot sa 14 na sinundan ni Senador Nancy Binay na may 6 na absences.
Pinakarami namang naitalang late o dumating matapos ang rollcall ang magkapatid na Alan at Pia Cayetano na kapwa mayroong 16.
Tig-limang absent naman ang naitala nina Senators Chiz Escudero at Sonny Angara habang tatlo kay Sen. Grace Poe; dalawa kay Sen. Imee Marcos at isa kay Sen. Francis Tolentino.
Ayon kay Zubiri, patunay ito ng magandang camaraderie sa Senado.
Sa pamamagitan aniya ng pagdalo nila sa kanilang mga sesyon ay naipapakita nila ang kanilang commitment sa kanilang tungkulin.
Binigyang-diin naman ni Estrada na mahalaga ang papel ng bawat senador sa legislative process.
Mahalaga anya na sa bawat panukalang batas na kanilang binabalangkas ay may partisipasyon ang mayorya ng mga mambabatas para matiyak na ang ipinapasa ay isinaalang-alang at naaayon sa interes ng mas nakararami.