Hindi dumalo sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa kaso ng pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon ang itinuturong prime suspect sa insidente.
Sa sulat na ipinadala sa kumite, ipinaliwanag ni dismissed Police Major Allan de Castro na walong buwang buntis ang kanyang asawa at kasalukuyang ‘in pain’ kaya’t inaalagaan niya ito.
Hindi rin sumipot sa pagdinig ang bodyguard ni de Castro na si Jeffrey Magpantay dahil masama umano ang pakiramdam nito.
Agad namang nagbanta si Committee Chairman Senador Ronald Bato dela Rosa na posibleng isyuhan ng subpoena sina de Castro at Magpantay at kung hindi pa rin sisipot sa pagdinig ay maaari silang maisyuhan ng warrant of arrest.
Hindi tinanggap ni dela Rosa ang katwiran ng dalawa sa pagsasabing lahat ng alibi ay gagawin ng mga ito upang iwasan ang pagdinig.
Subalit, nanawagan ang senador sa dalawa na kung sila ay nagmomonitor mas makabubuting magtungo na sila sa Senado at harapin ang pagdinig upang hindi lumala ang kanilang problema o maghintay na lamang sila ng warrant of arrest.