Panahon nang magkaroon ng mas mahigpit na batas laban sa Financial scam.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Grace Poe sa pagsusulong ng Senate Bill No. 2560 o Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) na naglalayong maprotektahan ang pinaghirapang pera ng publiko sa gitna ng paglipat sa online banking at digital payments.
Sa gitna rin ito ng babala ng mga Cybersecurity experts na mas lalala pa ang mga Fraud at scam ngayong 2024 at sa mga susunod na taon.
Ipinaalala ni Poe na sa pagdaan ng marami sa pandemya, marami ang umasa sa online financial transactions.
Subalit kasabay ng pagtaas ng Digital transactions ay dumami rin ang scam o fraud.
Tinukoy ng senadora ang report ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong nakalipas na linggo na umabot sa isandaan at dalawangpung E-wallet account holders ang nawalan ng pera mula sa Phishing scam.
Habang sa mga nakalipas na taon, ilang guro naman ang na-scam at nawalan ng pera sa kanilang bank account na nagkakahalaga ng ₱26,000 hanggang ₱121,000 matapos ibigay ang kanilang financial details.
Lumitaw din sa mga datos na noong 2022 nawalan ang bansa ng ₱624 million dahil sa fraud, ₱623 million dahil sa Phishing at ₱409 million dahil sa identity theft.