dzme1530.ph

Pastor Quiboloy, binalaang mahaharap sa kasong contempt kapag ‘di sumipot sa pagdinig ng Senado sa Marso 5

Nagbanta si Senador Risa Hontiveros na kanyang ipako-contempt si Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy kung hindi pa rin haharap sa susunod na pagdinig ng Senado kaugnay sa mga sinasabing pang-aabuso nito sa kanilang mga miyembro.

Sinabi ni Hontiveros na itinakda ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang susunod na pagdinig sa Marso 5.

Kasabay nito, pinagsabihan ni Hontiveros si Quiboloy na huwag nang magpa-victim kasunod ng pagtanggi sa mga alegasyon sa kanya at pinapalabas na pinagkakaisahan lamang siya ng mga nag-aakusa sa kanya.

Binigyang-diin ng senador na ang tanging hinihingi kay Quiboloy ay humarap sa mga legal na proseso, kasama ang proseso ng Senate investigation.

Hindi anya dapat dalhin pa sa lenggwahe ng patayan ang usapin kahit ito na anya ang nakasanayan ng pastor.

Tugon ito ni Hontiveros sa pahayag ni Quiboloy na may plano ang Estados Unidos sa pakikipagtulungan ng administrasyon na ipapatay siya at hindi lamang i-extradite.

Babala ng senadora na kung hindi haharap si Quiboloy sa pagdinig at maaari na siyang ipaaresto ng Senado.

About The Author