14 pang mga Pilipino ang lumikas mula sa Gaza, dahilan para isa na lamang ang maiwan, sa katauhan ng isang madre sa naturang Palestinian territory, ayon sa Department of Foreign Affairs.
Sa impormasyon mula kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega, dinala ang mga evacuee sa Cairo, Egypt at tutulungan ng Philippine Embassy sa pag-uwi sa Pilipinas.
Bunsod nito, 136 mula sa 137 ang kabuuang bilang ng mga Pilipino na nailikas mula sa Gaza.
Ang paglisan ng mga natitirang Pinoy mula sa Gaza ay sa harap ng paghahanda ng Israel para atakihin ang Rafah City kung saan nagkakanlong ang mahigit isang milyong Palestinians na nawalan ng mga tirahan dahil sa giyera sa pagitan ng Israeli forces at grupong Hamas.