Timbog ang isang babae na designated Global Terrorist ng America, at kabilang sa United Nations Security Council Islamic State of Iraq and the Levant o Daesh and Al-Qaeda Sanctions List.
Nasakote sa Indanan Sulu si Myra Mabanza, 32-anyos, sa operasyon ng pinagsanib na pwersa ng PNP, AFP, National Intelligence Coordinating Agency, at Anti-Money Laundering Council.
Ayon sa Anti-Terrorism Council, si Mabanza ay dawit sa pagpapadala ng pondo sa mga lider ng Islamic State East Asia at sa nasawing teroristang si Isnilon Hapilon, at nagsilbi rin itong intermediary kina Hapilon at sa mga elemento ng ISIS sa Syria.
Tumulong din umano ito para makapasok sa Pilipinas mula Indonesia ang isang kinatawan ng ISIS-linked Jamaah Ansharut Daulah Group, para sa pagbili ng mga armas at pagtatatag ng training courses katuwang ang local terrorist groups kaugnay ng paggamit ng mga armas at paggawa ng bomba.
Ang pagkakadakip kay Mabanza ay itinuturing ng ATC bilang positive note sa whole-of-nation campaign laban sa terorismo at terrorism financing, at inaasahang magiging malaking tulong din ito sa mithiing maialis ang Pilipinas sa grey list ng Financial Action Task Force.