Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Philippine National Police na palakasin ang kampanya laban sa Cybercrime.
Ito ay sa harap ng magkakasunod na Cyberattacks at Email bomb threats sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno.
Sa Command Conference sa Camp Crame Quezon City, pinuna ng Pangulo ang pagsipa ng kaso ng Cybercrime sa bansa na umabot sa 21,300 noong 2023, mula sa 13,890 noong 2022.
Ito umano ang nagpapakita ng pag-eevolve ng teknolohiya, kaya’t dapat umanong makasabay dito ang pulisya.
Kaugnay dito, binigyan ng direktiba ang PNP na palakasin ang Cybercrime Unit at paigtingin ang prevention, detection, at investigation sa Cybercrime cases.
Sinabi pa ni Marcos na kina-kailangan ng mga eksperto sa kampanya kontra cybercrime, at iginiit nito na magaling at may talento ang mga Pinoy pagdating sa Information Technology.
Iminungkahi naman ng PNP ang pagtatatag ng Cybersecurity Center na tututok sa pag-monitor, pag-detect, pag-protekta, at pag-responde sa anumang Cybersecurity incidents.