Welcome development para kina Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senador Ronald Bato dela Rosa ang pag-apruba ng Commission on Elections sa withdrawal form para sa mga lumagda sa People’s Initiative na nagsusulong ng charter change.
Gayunman, nagtataka si Villanueva kung bakit tila naging kumplikado ang proseso ng pagbawi ng lagda.
Sinabi ni Villanueva na hindi na dapat pahirapan pa ang tao sa pagbawi ng kanilang pirma dahil ito ay kanilang karapatan.
Iginiit ni Villanueva na mahalagang magkaroon ng malinaw na direksyon mula sa Comelec dahil ayon sa Korte Suprema, walang sapat na batas para sa isang People’s Initiative sa pag-amyenda ng Konstitusyon.
Pinuri naman ni dela Rosa ang Comelec sa pagtugon sa kanyang payo na huwag ipagkait sa taumbayan ang kanilang karapatan na bawiin ang kanilang mga pirma na sagrado para sa kanila.