Naglabas ng direktiba si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa lahat ng kongresista na huwag nang patulan ang anumang pahayag na ilalabas ng mga senador.
Ito ang kinumpirma ni Iloilo Representative at Deputy Majority Leader Janette Garin matapos na magka-usap at magkamayan kahapon sa Malakanyang si Romualdez at Senate President Miguel Zubiri.
Sa pag-uusap, nagkasundo ang dalawa na itigil na ang ‘word war’ o bangayan sa gitna ng mainit na isyu sa People’s Initiative (PI) para sa isinusulong na Charter Change.
Ayon kay Garin, ang utos ni Romualdez ay ituloy lamang ang trabaho at huwag nang magpapadistract o paaapekto sa mga sasabihin pa ng Senado partikular ni Sen. Imee Marcos.
Aminado itong hindi magandang halimbawa ang bangayan bukod pa sa naaaksaya ang pera ng bayan.
Pakiusap naman nito, tuparin sana ng Senado ang kanilang pangakong ‘timeline’ na tatapusin sa Marso ang Resolution of Both Houses o RBH No.6.