Naniniwala ang Dep’t of Social Welfare and Development na mas praktikal pa rin ang kasalukuyang sistema ng pagbibigay ng cash subsidy sa halip na bigas para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ayon kay DSWD Spokesman Asst. Sec. Romel Lopez, ang P600 na buwanang rice subsidy ay ibinibigay in cash upang maiwasan ang mahahabang pila sa pagkuha ng mga sako ng bigas.
Sinabi rin ni Lopez na magkakaroon ng “logistical nightmare” kung gagawing bigas sa halip na pera ang subsidiya.
Matatandaang iminungkahi ng Dep’t of Agriculture kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na i-convert na lamang sa bigas ang ayuda ng 4Ps beneficiaries.
Iginagalang naman umano ng DSWD ang anumang suhestyon na makapagpapabuti sa paghahatid ng serbisyo, ngunit ang anumang pag-amyenda sa 4Ps ay mangangailangan ng pag-apruba ng member agencies ng National Advisory Committee.