dzme1530.ph

Ilang rehiyon sa bansa, nakitaan ng mataas na presyo ng bigas

Bumilis ang pagtaas ng presyo ng bigas sa kabila ng mababang Inflation rate noong Enero ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa panayam ng DZME 1530 Ang Radyo Uno, sinabi ni Glen Polo, Officer-In-Charge ng Price Statistics Division ng PSA na ilan sa mga rehiyon sa bansa ang nakitaan ng mataas na presyo ng bigas.

“Dito po sa Regular Milled Rice ang makikita po natin is yung Region 7 ‘yung mga probinsya nila, Cebu, Bohol, Negros Oriental, Siquijor, ang presyo po nila ngayon ₱53.6 pesos ngayong January, tumaas po ito year-on-year by 27.4%.”

Tinukoy naman ni Polo ang mga produkto na nag-ambag sa mababang Inflation noong Enero, gaya ng mga gulay.

“Halimbawa vegetables, partikular yung onion, naglalaro na lang sa ₱190 pesos ang kilo kumpara last year na ₱460 plus ang presyo ng isang kilo ng sibuyas.”

Idinagdag pa ni Polo na ang presyo ng Mani ay nasa ₱102.26 pesos per kilo sa national level; ang kape o roasted coffee naman ay nasa ₱261.82 pesos per kilogram habang ang Cacao Beans ay nasa ₱180 pesos per kilogram.

Kaugnay nito bumaba rin ang presyo ng iba pang pagkain gaya ng isda, karneng baboy at manok.

“Yung manok po natin ngayon year-on-year medyo bumaba na yung presyo.”

Bumaba rin aniya ang presyo ng Refined sugar na nasa ₱90 pesos per kilo sa national level habang ₱101 pesos per kilo sa Metro Manila. ₱47.89 pesos naman ang presyo ng kada kilo ng All-purpose flour sa buong bansa habang 51.28 pesos sa NCR. Ang wheat flour naman ay nasa ₱89.44 pesos kada 800 grams.

Bumagsak din aniya ang presyo ng fuel na nasa -12.1% sa diesel, habang -6.3% sa gasolina.

Samantala, naniniwala si Polo na ang pagbaba ng mga presyo ay  isang magandang indicator  kasabay ng pagpayo sa mga mamimili na lumipat muna sa mga pagkaing mababa ang presyo.

Sa panulat ni Airiam Sancho, DZME News

About The Author