dzme1530.ph

DOTr, iginiit ang kalahagahan ng kooperatiba sa mga tsuper ng jeepney

Iginiit ng Department of Transportation na kailangang sumali sa kooperatiba ng mga tsuper ng Public Utility Vehicles (PUV), kasabay ng pagbibigay diin sa mga benepisyong kaakibat nito.

Ginawa ni DOTr-Office of Transportation Cooperatives chairperson Jesus Ortega ang pahayag, sa gitna ng nagpapatuloy na tigil pasada laban sa PUV Modernization Program kung saan obligado ang mga tsuper na maging bahagi ng mga kooperatiba.

Ipinaliwanag ni Ortega na kapag kasama sa kooperatiba, bukod sa magiging propesyonal na ang negosyo sa transportasyon, ay hindi babalikating mag-isa ng tsuper ang pagma-mantina ng sasakyan at tulong-tulong sila sa kooperatiba sa gastusin.

Idinagdag pa ng DOTr official na sa pamamagitan ng kooperatiba ay magkakaroon ang PUV drivers ng regular na suweldo na may benepisyo, gaya ng SSS, PhilHealth, at Insurance.

Inihayag ni Ortega na mahigit 1,800 accredited cooperatives na may 200,000 members na ang naitala, noong Enero, 2023.

Una nang pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang deadline para sa jeepney operators na bumuo ng mga kooperatiba hanggang sa December 31 ngayong taon.

About The Author