dzme1530.ph

Kamara, hindi dadalo sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa People’s Initiative

Walang dadalong opisyal at miyembro ng Kamara sa ikinasang imbestigasyon ng Senado laban sa People’s Initiative (PI) na iniuugnay ang mga kongresista.

Ito ang sagot ni House Majority Floor Leader Manix Dalipe, Jr. sa public invitation ni Sen. Imee Marcos na siyang proponent ng imbestigasyon ng Senate Committee on Electoral Reforms na pinamumunuan din nito.

Ayon kay Dalipe, natuwa naman sila sa paanyaya ng senadora subalit marami aniya silang trabaho sa Kamara gaya ng pagbuo ng lehislasyon na magpapabuti sa buhay ng taong-bayan.

Sa kabila nito, sinabi ni Dalipe na bagaman “demanding” ang kanilang trabaho pero kung kakayanin ng kanilang legislative schedule ay handa naman silang makipagdiskusyon sa Senado para sa kolektibong hakbang at hindi para wasakin ang pambansang interes.

Muli ring iginiit ni Dalipe na walang kinalaman ang Kamara sa PI taliwas sa paratang ni Sen. Marcos, ilang grupo at politiko.

–Sa panulat ni Ed Sarto, DZME News

About The Author