dzme1530.ph

Tigil pasada, bigong maparalisa ang transportasyon sa mga lalawigan

Inisnab ng mga tsuper sa mga probinsya ang unang araw ng isang linggong tigil pasada na inorganisa ng ilang transports groups upang tutulan ang public utility vehicle (PUV) Modernization Program ng pamahalaan.

Tuloy sa pamamasada ang mga driver sa mga lalawigan at walang naiulat na stranded na mga pasahero.

Sa Central Luzon, hindi gaanong naramdaman ang strike sa Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac, Bataan, Zambales, Aurora, at Pampanga, ayon kay Dan Yumol, Chairman ng Samahan ng mga Tsuper at Operator, at Confederation of the Passenger Transport of Central Luzon.

Karamihan naman sa mga operators at drivers sa Pangasinan ay hindi rin lumahok sa tigil pasada, subalit umapela sa gobyerno na irekonsidera na manatili ang ilang mga probisyon sa Modernization Law.

Ipinaliwanag ni Alliance of United Transport Organization Province-Wide Pangasinan Chapter President Bernard Tuliao na marami sa kanilang operators at drivers ang miyembro na ng kooperatiba at naisip nilang baka makaapekto sa kanilang permits o franchise kung sasali sila sa strike.

Apat na major transport groups sa Bicol ang hindi rin sumali bunsod ng kawalan ng konsultasyon bago idineklara ang tigil pasada.

Normal din ang biyahe ng mga jeepney sa Iloilo at Bacolod na dalawa sa highly urbanized cities sa Western Visayas habang wala kahit isa sa mga local transport groups sa Eastern Visayas ang nagpahayag ng interest sa strike.

Tumanggi rin na lumahok sa tigil pasada ang pinakamalaking transport group sa CARAGA region na CARAGA Federation of Transport Cooperatives, maging ang Awang-Cotabato Transport Operators and Drivers’ Association sa SOCCSKSARGEN.

About The Author