dzme1530.ph

Backlog sa plaka ng mga motorsiklo, pinamamadali

Hinimok ni Senador Francis Tolentino ang Land Transportation Office (LTO) na ayusin ang kanilang sistema upang masolusyunan ang 12.9 Million backlog ng Motor Vehicle License Plates.

Sa pagtalakay ng Senate Committee on Justice sa proposed Motorcycle Crime Prevention Act, tinanong ni Tolentino si LTO Chief Atty. Vigor Mendoza kung ano ang kanilang plano sa mga backlog.

Sinabi ni Mendoza na target nilang resolbahin ang backlog sa susunod na dalawa at kalahating taon kasabay ng pagsasabing sa ngayon ay pinaprayoridad nila ang distribusyon ng mga bagong plaka.

Kaya naman, iginiit ni Tolentino sa LTO na bigyang prayoridad din ang mga motor vehicle na hindi pa nakukuha simula noong 2014.

Sinabi naman ni Senador JV Ejercito na sa halip na isulong ang doble plaka, dapat iprayoridad na ng Lto ang pagbibigay ng kahit isang plaka sa mga motorsiklo.

—Ulat ni Dang Samson-Garcia, DZME News

About The Author