Pinatunayan ni Speaker Martin Romualdez na pinapahalagahan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., ang mga ginawang hakbang ng nagdaang administrasyon para sa pagkamit ng kapayapaan at pag-unlad ng bansa.
Patunay nito ayon kay Romualdez ang Executive Order No. 40 o ang Amnesty Program sa mga rebeldeng grupo gaya ng Communist Part of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA), National Democratic Front of the Philippines (NDFP), Alex Boncayao Brigade (ABB), Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).
Ang Amnesty Program ay pagsusog lamang sa kaparehas na programang inilunsad noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya hindi lamang ito simpleng “Acts of Reconciliation” kundi pivotal steps tungo sa pag-unlad ng kapayapaan at ekonomiya.
Ang ipagpatuloy ang dating programa ay pagpapakita ng nagkakaisang pananaw sa kahalagahan ng kapayapaan ng magkaibang administrasyon.
Handa naman ang Kamara na makipagtulungan sa Executive Department upang platsahin ang kinakailangan pang programa upang matiyak na magiging produktibo ang pagbabalik loob ng mga dating rebelde.
—Ulat ni Ed Sarto, DZME News