Hindi rin inayunan ng Senate Finance Committee ang inaprubahang budget ng kamara para sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa deliberasyon sa panukalang 2024 budget ng DSWD, sinabi ng sponsor ng panukala na si Senador Imee Marcos na iniangat ng Kamara sa ₱245.13 bilyong piso ang pondo ng ahensya mula sa ₱209.6 billion na inilaan sa National Expenditure Program.
Sa committee report ng senado, tinapyasan nila ng halos ₱800 milyong piso ang inirekomendang pondo ng Kamara at ginawa itong ₱244.41 billion.
Ipinaliwanag ni Marcos na ang pagtapyas nila sa pondo ay bunsod na rin ng pagbabawas sa pondo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) dahil marami na rin sa benepisyaryo nito ang nakaahon na sa kahirapan.
Nagbabala naman si Senate Minority Leader Koko Pimentel na hindi magiging makatotohanan ang pagtupad ni Pangulong Bongbong Marcos sa target nitong ibaba sa 9% ang Poverty Rate sa pagtatapos ng kanyang termino kung hindi maayos ang datos na ipinagkakaloob sa Malakanyang.
—Ulat ni Dang Samson-Garcia, DZME News