dzme1530.ph

DOLE, hinimok na ipakulong ang mga abusadong employers

Hinimok ni Senator Raffy Tulfo ang Department of Labor and Employment (DOLE) na bumalangkas ng mga hakbangin upang mapakulong ang mga abusadong employers sa bansa.

Tinukoy ng senador ang mga employer na nagbibigay ng pasahod na mas mababa pa sa Minimum Wage Pay at lumalabag sa Labor Code ng bansa.

Sa pagtalakay sa panukalang 2024 budget ng DOLE, inihayag ni Tulfo na sangkaterba ang natatanggap nilang reklamo kaugnay sa paglabag sa labor laws.

Iginiit ng Senador na unfair itong maituturing kasabay ng pangako na isusulong ang mga panukala upang mabigyan ng sapat na proteksyon ang mga ordinaryong manggagawa.

Hinamon pa nito ang DOLE na sa susunod na taon ay dapat makapagreport na ang ahensya ng naipakulong na employer dahil sa panggigipit sa mga empleyado partikular sa mga hindi nagbibigay ng tamang pasahod.

—Ulat ni Dang Samson-Garcia, DZME News

About The Author