Ikinasa na ngayong araw ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023 sa pitong barangay sa ilang lugar sa bansa matapos na mabigong gawin kahapon, Oktubre a-trenta.
Paliwanag ni Commission on Election Chairman George Garcia na hindi dumating sa tamang oras ang mga Election Paraphernalia sa anim na barangay sa Lanao Del Sur kaya naman naantala ang botohan kahapon.
Gayundin sa isang barangay sa Calbayog City sa Samar dahil ang mga sundalo at pulis na kasama ng Election Officials ay pinaputukan ng mga insurgent.
Nilinaw naman ni Garcia na agad nilang inabisuhan ang mga residente sa naapektuhang mga lugar na ngayong araw mula kaninang alas-syete ng umaga hanggang alas-tres ng hapon ang halalan.
Sa pagsasara ng mga polling precincts kahapon ay inihayag ng Comelec na ang BSKE 2023 ay “a victory of sorts” dahil wala aniyang halalan na naging perpekto.
Ito ay sa gitna ng mga napaulat na Election-Related Violence kung saan apat na katao ang nasawi at libo-libong mga guro ang umatras sa kanilang tungkulin sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
—Ulat ni Ariam Sancho