dzme1530.ph

Ilang Barangay Official, inireklamo sa Ombudsman

SINAMPAHAN ng patung-patong na kasong Administratibo sa tanggapan ng Ombudsman ang ilang opisyal ng Barangay Kaligayahan sa Quezon City kasama sina Barangay Captain Alfredo Roxas, Kagawad Perla Adea at Administrative Assistant Guillermo Butch Rosales.

Kabilang sa mga kasong isinampa ni Marvin Miranda ang paglabag umano ng mga opisyal sa Section 7 Paragraph D ng Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standard, Section 3 Paragraph E ng RA 3019 o paglabag sa Anti Graft and Corrupt Practices Act, Grave Misconduct at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.

Nag-ugat ang reklamo ni Miranda matapos umanong mag solicit ng pondo ang mga ito kapalit ng pagbibigay ng Permit to Operate sa MM Ledesma Laboratories. Kaduda-duda umano ang pagpasa ng resolusyon dahil ginawa ito ilang buwan bago ang eleksyon.

Kinuwestiyon din ng complainant kung bakit nagsolicit ang Barangay para sa isang Gay pagent ganung naglaan naman ang Barangay ng 500,000 piso para dito.

Nakasaad sa RA 6713 na mahigpit na ipinagbabawal para sa sinumang opisyal ng gobyerno ang tumanggap ng suhol, lagay o regalo. Ipinagbabawal din sa RA 3019  ang pagpabor o pagkiling sa sinomang individual o grupo.

Hiniling din ni Miranda sa Ombudsman na isailalim sa anim na buwang Preventive Suspension na walang sahod ang tatlong opisyal ayon sa isinasaad ng Section 24 ng RA 6770.

 

–Ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author