Sumiklab ang tensyon sa pagitan ng mga katutubo at mga guwardiya ng isang Mining Company sa Brooke’s Point sa Palawan.
Nauwi sa suntukan, paluan at batuhan ang kilos-protesta ng mga katutubo nang pigilan sila ng mga guwardiya na itayo ang bitbit nilang bakod para harangan ang mga truck na papasok sa compound ng Ipilan Nickel Corporation.
Pito ang nasugatan sa mga guwardiya habang labindalawa naman sa panig ng mga raliyista na tutol sa Mining Operation dahil idineklara ang Mt. Matalingahan bilang Ancestral Domain at Protected Area.
Para sa mga katutubo ng Palawan, personal sa kanila ang anti-mining protest dahil ramdam nila ang epekto ng pagmimina hindi lamang sa kanilang plantasyon sa kabundukan, kundi pati sa mga nahuhuli nilang isda.
—Ulat ni Lea Soriano-Rivera