dzme1530.ph

High profile inmates magpapa-signature campaign para makabalik sa Muntinlupa

Inatasan ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ang mga opisyal ng Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) sa Occidental Mindoro na maging mapagmatyag at i-monitor ang mga aktibidad ng mga Person Deprived of Liberty (PDL).

Ayon kay Catapang may nakarating sa kanyang ulat na may mga PDL na nagbabalak na magsagawa ng kilos-protesta at mangalap ng pirma sa kapwa PDL para sa isang petisyon na maibalik sila sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Sinabi ni Catapang na daan-daang high profile inmates at drug lords mula sa NBP ang inilipat sa Sabalayan Prison and Penal Farm (SPPF) kabilang ang 171 chinese nationals na nahatulan ng illegal drug trade ang inilipat bilang bahagi ng programa ng BuCor para i-decongest ang state penitentiary at masawata ang kanilang masasamang gawain.

Ayon sa opisyal, sa Sablayan ay walang telecommunication signal kaya ang mga Drug lord ay hindi makapag-communicate at makapagpatuloy ng kanilang negosyo sa labas ng kanilang selda, ngunit sinusuhulan nila ang kanilang mga bantay para makapagpuslit ng satellite phones sa loob ng piitan.

Aminado naman si Catapang na may mga tauhan sa loob at labas ng kawanihan na tutol sa reporma na kanyang ipinatutupad.

—Ulat ni Tony Gildo, DZME News

About The Author