Naniniwala ang dalawang senador na hindi pa rin mareresolba ang problema sa kriminalidad na dulot ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa bansa sa pamamagitan lamang ng pagpapalit ng pangalan nito.
Sinabi nina Senador Grace Poe at Senador Sherwin Gatchalian, hindi mababago ng simpleng pagpapalit ng pangalan ng POGO bilang Internet Gaming License ang mga dulot nitong problema sa bansa.
Ayon kay Poe, tila magka-camouflage lamang ang POGO sa ibang pangalan at kung hindi pa rin magbabago ang mga patakaran para sa kanila ay perwisyo at mga krimen pa rin ang maidudulot nito.
Iginiit ni Poe na sapat na ang mga katibayan na ang POGO ay nagiging daan lamang ng mga operasyon na nagiging resulta ng kriminalidad, human trafficking, presensya ng mga undesirable aliens sa bansa , tax evasion at ibat ibang ilegal na aktibidad.
Sa bahagi naman ni Gatchalian, binigyang diin na tila pagpapalit lamang ito ng pangalan at walang mababago sa operasyon kung sila pa rin ang mga grupo o indibidwal na nasa likod ng operasyon.
Kung papalitan aniya ang pangalan at dito pa rin ang operasyon sa Pilipinas at pareho ang sistema ay hindi magiging bago ang kalalabasan.
Nanindigan pa rin si Gatchalian sa kanyang rekomendasyon na tuluyan nang i-ban sa bansa ang mga POGO.
—Ulat ni Dang Garcia, DZME News