dzme1530.ph

Special Civil Service Exam, inihirit para sa mga kawani ng bucor na nanganganib mawalan ng trabaho

Hiniling ni Bureau of Corrections Acting Chief Gregorio Catapang Jr. na magkaroon ng Special Civil Service Examination para sa mga kawani ng pambansang piitan na nanganganib mawalan ng trabaho bunsod ng kakulangan ng professional qualifications.

Ayon kay Catapang, mula sa 345 kawani na nahaharap sa posibleng dismissal, nasa 57 na edad limampu pababa ang posibleng bigyan ng special examinations habang ang 288 na iba pa ay malapit na sa retirement age.

Umapela rin si Catapang kay Civil Service Commission Chairperson Karlo Alexi Nograles na itakda ang special exam bago sumapit ang Marso 15 na deadline sa ibinagay na palugit para sa Bucor Employees upang makumpleto ang professional requirements, alinsunod sa Bureau of Corrections Act of 2013.

Para naman sa natitirang dalawandaan at walumpu’t walong mga empleyado, hinimok ng BUCOR Chief ang mga ito na mag-early retirement na lamang upang maiwasan na mawala pa ang kanilang retirement benefits.

Inamin ni Catapang na isa ang naturang isyu sa mga problemang minana niya sa mga nakalipas na BUCOR Administration at nakapag-comply sana sa batas nang maaga ang mga empleyadong nanganganib na mawalan ng trabaho ngayon.

About The Author